Higit 50 pamilya sa Taguig inilikas dahil sa banta ng ulan, baha

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 07:44 PM

MAYNILA—Inilikas nitong Sabado ang mahigit 50 pamilyang nakatira sa mabababang lugar sa Taguig City, bilang preemptive measure sa mga ulan at bahang dulot ng habagat.

Ayon sa Taguig Public Information Office, nananatili ang naturang mga pamilya sa itinalagang evacuation centers sa Hagonoy gym, Pag-asa covered court, Eusebio Elementary School, at Ibayo daycare center.

Nagpaabot naman ng temporary shelter, pagkain, relief goods, at tulong-medikal ang lokal na pamahalaan ng Taguig sa mga apektadong pamilya.

Nakaantabay rin ang City Disaster Risk Reduction and Management Office para sa iba pang pangangailangan ng evacuees at iba pang residente.

Nauna nang nagbabala ang PAGASA na magkakaroon ng mga pag-ulan sa Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Bataan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Occidental Mindoro, Antique, Guimaras, at bahagi ng Negros Occidental sa susunod na 24 oras dahil sa habagat.

Simula Biyernes ay iba't ibang bahagi ng Kamaynilaan at karatig-lalawigan ang binaha bunsod ng biglaang mga pag-ulan. 

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.