5 lalaki huli sa droga, pagbi-video karera sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 01:55 PM

Lima ang arestado sa isang buy-bust operation matapos mahulihan ng mga pakete ng hinihinalang shabu sa Barangay Gulod sa Novaliches, Quezon City, Sabado ng madaling araw. 

Pinakabata sa naaresto ang 20 anyos na si alyas "Kulot," na napaluha nang hulihin ng pulisya. Nahuli rin ang target ng operasyon na si alyas "Boss." 

Naaktuhan din umano ng mga pulis ang tatlong lalaking naglalaro ng video karera sa labas ng bahay bukod pa sa umano'y drug session sa loob.

Naaktuhan umano si Kulot na bumibili ng shabu para ibenta ulit sa iba. 

Pitong sachet ng hinihinalang shabu ang nasabat sa kaniya. 

Ayon kay Police Lt. Ferdinand Geli, Novaliches Police Station investigation section chief, nagsumbong ang mga residente na nagtutulak ng droga sa lugar si Boss. 

"Naglalaro, then after noon para tumagal sa paglalaro nila, kumukuha ng drugs dito. At the same time dito na rin gumagamit," ani Geli. 

Ayon kay alyas "Boss," baguhan lang umano siya sa pagbebenta ng droga. 

Giit ng tatlo pang naaresto na naroon lang sila para mag-video karera. Pero umamin umano sila sa paggamit ng droga. 

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.