2 Chinese na dinukot, tinorture umano ng kapwa Chinese nasagip; 5 timbog

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 04:21 PM | Updated as of Aug 03 2019 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nasagip ng Philippine National Police (PNP) sa Pasay City ang dalawang Chinese national na tinorture umano ng isang loan shark syndicate na kinabibilangan din ng mga kapwa nila Chinese.

Arestado rin ang limang Chinese nationals na nandukot umano sa kanila.

Unang nasagip ng pulisya si Zhao Xing, at sunod naman ang Chinese national din na si Wei Liu sa Pasay City.

Narekober pa ng mga awtoridad ang video ng pagtorture umano kay Zhao Xing para mapilitang magbigay ng ransom ang pamilya ng biktima.

Ayon sa PNP, pinautang umano si Zhao ng sindikato ng perang pansugal sa casino pero natalo siya at hindi makabayad.

Ayon kay Police Lt. Col. Elmer Cereno, tagapagsalita ng PNP Anti-Kidnapping Group, hinihingan ng 122,000 Yuan (mahigit P900,000 si Zhao sa pamamagitan ng chat app.

Lumalabas din na ang limang suspek ang sindikatong kumidnap umano sa isang Malaysian at Chinese na nasagip noong Hulyo.

Modus umano ng mga naturang sindikato na pautangin ang mga Chinese sa casino at habang hindi pa nakakabayad, ikukulong ang biktima at makikipagnegosasyon ang mga suspek sa pamilya nito sa China para sa ransom.

Sasampahan ng kasong kidnapping for ransom ang mga suspek.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.