1 patay sa drug raid sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 10:24 AM

Nauna umanong nagpaputok ang target kaya gumanti ang mga operatiba na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay. Francis Canlas, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS CITY – Isa ang patay sa raid ng pulisya sa Barangay Dadiangas West dito sa siyudad, Sabado ng madaling araw.

Pinasok ng raiding team ang bahay ng isang target pero hindi ito nadatnan ng mga pulis. Itinuloy ang operasyon at nakuha ang isang pouch na naglalaman ng pitong sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon sa kinakasama ng target, dati na raw nasangkot sa ilegal na droga ang kaniyang partner. Inakala niyang nagbagong-buhay na ito kaya laking gulat niya nang may nakuhang sachet ng hinihinalang shabu.

Kasabay ding pinasok ng mga pulis ang bahay ng isa pang target. Nakipagpalitan umano ito ng putok kaya nabaril siya ng mga pulis.

Pero saad ng pamilya, natutulog na sila nang bulagain ng mga pulis. Pinababa umano sila at inilayo sa kanilang bahay. Naiwan daw ang target at narinig umano nilang sumigaw ito na hindi lalaban.

Sunod-sunod na putok na umano ang narinig nila. Naisugod siya sa pagamutan pero namatay din.

Paliwanag ng pulisya, inunahan sila ng putok ng target kaya gumanti ang raiding team. Bukas umano sila sa imbestigasyon kung nanaisin ng pamilya.

Siyam na sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa bahay ng target.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.