21 supporters umano ng NPA at Dawlah Islamiyah, sumuko sa Lanao del Sur

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2019 10:07 PM | Updated as of Aug 02 2019 10:24 PM

LANAO DEL SUR - Sabay na sumuko sa militar ang ilang supporters ng mga rebeldeng grupong Dawlah Islamiyah at New People's Army (NPA) nitong Biyernes matapos ang matinding operasyon ng militar sa bayan ng Lumba-Bayabao, Lanao del Sur.

Ito ay matapos makaengkwentro ang militar ng higit 100 na NPA nitong Hulyo 28 na tumagal ng isang linggo.

Nakubkob ng militar ang isang training camp na ayon sa kanila, sa lugar na ito tumatakbo ang NPA para magtago dahil papunta ito ng Lanao del Sur at Bukidnon.

"Boundary siya. 'Yun ang safe haven ng grupo na 'yan," ani Lt. Col. Edgar Allan Villanueva, commander ng 49th Good Samaritan Battalion ng Philippine Army.

Kwento ng isa sa mga sumuko na si alyas "Hornet", nalaman ng militar na tumutulong siya sa NPA sa pamimili ng mga kailangang suplay ng rebeldeng grupo.

Naglabasan na rin ang 20 pang supporters umano ng NPA, kabilang ang apat na combatants ng Dawlah Islamiyah na residente rin sa lugar.

Isinuko nila ang kanilang mga baril.

Ayon kay Brawner, magkaiba man ng ideolohiya ang NPA at Dawlah Islamiyah, hindi rin sila nagkakabangga dahil pareho silang nakikinabang sa suporta ng mga tagarito.

Magkakamag-anak din ang kanilang mga tagasuporta, ayon sa opisyal.

Ilan sa mga residenteng naipit sa digmaan umano ang nagprotesta upang ihayag na ayaw nila sa NPA. Idineklara din ng lokal na pamahalaan na "persona non grata" ang NPA.

"Patuloy po namin silang imomonitor para di na sila makabalik. Bibigyan po namin sila ng atensyon," ani Mayor Mahar Dagalangit ng Lumba Bayabao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.