2 lalaking parokyano ng spa na may 'extra service' arestado

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2019 05:47 PM | Updated as of Aug 02 2019 09:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang lalaki ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos mahuli sa aktong tumatangkilik sa 'extra service' na alok ng spa sa Quezon City.

Pinasok ng NBI-Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) ang naturang spa sa E. Rodriguez avenue, kung saan huli pa ang isang therapist na nagmamasahe ng kostumer.

Sa kabilang kuwarto naman, nahuling nakahubad pareho ang therapist at ang kostumer habang may gamit nang condom sa tabi.

Nabuking ang spa matapos magpanggap ng isang NBI agent bilang kostumer kung saan nakumpirma na may extra service nga sa spa.

Inaresto ang 2 lalaking parokyano na nahuli sa loob, kabilang ang isang negosyante.

"Maawa po kayo... Paano po ako, sir? Masisira ang buhay ko. Disente po ako talaga," pakiusap ng lalaki.

Mahaharap sa reklamong use of trafficked persons ang 2 lalaki. Ito ay may parusang 6 hanggang 12 taon na pagkakabilanggo at multang di bababa sa P50,000.

"Kailangan din kasuhan itong customer kasi kung walang magtatangkilik sa ganitong klaseng illicit activity, wala rin namang supply," sabi ni Atty. Janet Francisco, hepe ng NBI-AHTRAD.

Bukod sa 2 kostumer, kakasuhan pati ang may-ari ng spa ng reklamong human trafficking.

Dadalhin naman sa Department of Social Welfare and Development ang mga nasagip na masahista.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.