130 kilo ng karne mula sa mga kinatay na aso nasabat sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2019 07:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 130 kilo ng karneng aso ang nasabat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at grupong Animal Kingdom Foundation (AKF) sa Obando, Bulacan noong Huwebes.

Tumatagas pa ang dugo sa pick-up ng mga suspek, kung saan nila isinakay ang 14 kinatay na aso, nang maabutan sila ng mga awtoridad.

Rescue operation sana ang gagawin pero huli na ang lahat dahil kinatay na pala ang mga aso.

Bukod sa kinatay, binalatan pa ang mga aso na dadalhin daw sana sa Maynila para ibenta.

"Kumukuha sila ng mga aso sa mga katabing barangay nila, bininili 'yung iba... Tapos pinupukpok nila sa ulo," ani Alan Pekit-Pekit ng AKF.

Naaresto ang 3 suspek na sina Ramon Adino, Ramoncito Adino, at Danny Cruz.

Ayon sa tumatayong lider ng grupo na si Ramoncito, dati silang mangingisda pero naging matumal daw ang huli kaya naghanap sila ng ibang pagkakakitaan.

Ayon sa CIDG, hindi ito ang unang pagkakataon na may nahuli silang nangangatay ng aso sa Bulacan.

Nagbabala naman ang AKF sa mga taong kumakain ng aso.

"May bacteria na hindi namamatay ang aso kaya hindi talaga siya para sa tao," ani Pekit-Pekit.

Kasong paglabas sa anti-rabies law at animal welfare act ang isasampa sa 3 suspek.

—Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.