Taxi driver huli sa 'panghoholdap' sa 2 Chinese na pasahero

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 05:12 PM | Updated as of Aug 01 2019 06:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naaresto ng Manila Police District (MPD) ang isang taxi driver na dawit sa panghoholdap sa 2 babaeng Chinese.

Kinilala ang nahuling suspek na si Jeremy Madarang, habang pinaghahanap naman ng mga pulis ang 4 na kasabwat niya.

Natunton noong Lunes ng MPD si Madarang matapos silipin ang mga kuha ng CCTV sa insidente, kung saan hinoldap umano ni Madarang at ng kaniyang mga kasamahan ang 2 Chinese. 

Sa kuha ng CCTV, mapapanood na sinundan ng van mula Pasay papuntang Quezon City ang taxi na minamaneho ni Madarang at sinakyan ng mga biktima.

Huminto sa gilid ng tulay ang 2 sasakyan at lumabas mula sa van ang 3 lalaking may dalang kutsilyo.

Nang makapasok ang mga lalaki sa taxi, dumeretso ito sa pagbiyahe.

Itinulak ang mga biktima palabas ng taxi nang makarating sa Quezon City at sabay-sabay tumakas ang mga suspek.

Inamin ni Madarang na planado ang pagholdap sa mga Chinese.

Paboritong biktima ng grupo ni Madarang ang mga dayuhang galing casino dahil maraming pera ang mga ito, ayon kay Lt. Col. Carlo Manuel, public information officer ng MPD.

Kinasuhan si Madarang ng robbery hold-up.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.