Tanggapan ng pulisya na nakaharang sa kalsada giniba

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 06:59 PM

Pinangunahan mismo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar nitong Huwebes ang paggiba sa isang Community Police Assistance Center (Compac) na nakaharang sa isang sidewalk sa Malabon City. 

Kasama ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Malabon City Hall, at Barangay Tinajeros ay giniba ang naturang Compac na nakatayo sa sidewalk.

Ayon kay Eleazar, ito'y tugon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa State of the Nation Address (SONA) na tanggalin ang ano mang obstructions sa kalsada. 

Matatandaang nagbigay si Duterte ng 60 araw sa mga ahensiya ng gobyerno para malinis ang mga kalsada. 

Ito na ang ikalawang police structure na giniba, ayon kay Eleazar.

Bago nito, giniba rin ang isang presinto sa San Juan City dahil nakaharang ito sa kalsada. 

Susunod na gigibain ng NCRPO ang 30 pang police community precinct at 5 pang Compac. 

Lima dito ang nasa public roads, 24 ang nasa sidewalk, at 6 ang nasa center island. 

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.