Staff ng isang hotel sa Boracay timbog sa umano'y pamboboso

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 05:50 PM | Updated as of Aug 02 2019 08:10 PM

(UPDATED/CORRECTED) - Sapul sa CCTV ang pamboboso umano ng isang lalaki sa isang turistang naliligo sa banyo ng tinutuluyang hotel sa Boracay noong Hulyo 26.

Napansin ng biktima na bukas ang bintana ng banyo at may camera ng cellphone na nakatutok sa kaniya, ayon kay Police Maj. Jess Baylon, officer-in-charge ng Malay Police.

"Sa follow-up operation ng ating mga pulis binuksan nila ang CCTV recordings ng hotel at doon na nila nakita ang suspek na gumagawa ng kalaswaan at kumukuha ng video ng biktima mula sa labas ng banyo," ani Baylon.

Agad inaresto ang suspek na ayon kay Baylon ay nagtatrabaho bilang maintenance staff ng hotel.

Unang binanggit ni Baylon na anak ng may-ari ang naturang suspek pero binawi rin niya ito. Aniya, mali ang naging pagkaintindi niya sa blotter report ng pulisya.

Sa pamamagitan ng social media, humingi ng paumanhin si Baylon sa may-ari ng hotel hinggil sa nangyaring pagkakamali.

Samantala, itinanggi naman ng suspek na kinukunan niya ng video ang hubad na babae.

Hindi na nagawa pang magsampa ng kaso ng biktima dahil hindi na rin siya nakabalik sa isla para sa inquest proceedings.

Pinalaya ng pulisya ang suspek dahil lumagpas na sa reglementary period of detention at hindi nakapagsampa ng kaso ang biktima.

“Our WCPC (Women and Children Protection Center) waited for her (victim) to pursue the filing of the case pero hindi na bumalik ang victim," ani Baylon.

Sa social media na lang inilabas ng biktima ang kaniyang pagkadismaya sa nangyaring pambabastos sa kaniya kaya nag-viral ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.