P1.7-M halaga ng 'marijuana' nasamsam sa live-in partners sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 03:03 PM | Updated as of Aug 01 2019 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa P1.7 milyong halaga ng marijuana ang nakuha sa mag-live-in partner na umano ay mga drug supplier sa Bacoor City, Cavite, sabi ngayong Huwebes ng pulisya.

Limang bag ng marijuana na may timbang na 263 gramo ang nakumpiska umano sa mga suspek na sina Edward Bagasala at Joebelle Rodriguez sa buy-bust operation na ikinasa sa Barangay Maliksi I noong Hulyo 20.

Nakuha umano ang mga bag sa backpack na nasa loob ng washing machine sa bahay ng mga suspek.

Ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police, ikinasa ang operasyon matapos magsumbong ang mga kapitbahay ng mag-live-in partner na nagbebenta ang mga ito ng ilegal na droga sa kanilang bahay.

“Nagdududa na ang mga neighbors dahil never daw lumabas ang maglive-in doon sa pinapangupahan sa subdivision pero may mga dumadating na iba-ibang mukha,” ani Cabatingan.

Mula daw sa Manila at Cavite ang karamihan sa parokyano ng mga suspek. 

Sa Cubao kinukuha ng mga suspek ang drogang dinadala sa Cavite, ayon kay Cabatingan.

Itinanggi naman ni Bagasala ang mga paratang at sinabing gumagamit lang siya ng marijuana para sa kaniyang karamdaman.

“For medical purposes lang po dahil sumasakit ang tiyan ko,” aniya.

Sa hiwalay na operasyon, naaresto ng pulisya noong Hulyo 21 sa Barangay Molino I ang 3 suspek na nakuhanan ng "shabu" na nagkakahalaga ng P12,000.

Dinampot ang mga suspek sa gitna ng palayan kung saan umano sila nagpapatakbo ng drug den, ayon kay Cabatingan.

Apat na sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa mga suspek.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.