Nigerian, 4 Pinoy tiklo sa QC buy-bust; P7-M halaga ng 'shabu' nasamsam

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 02:47 AM | Updated as of Aug 01 2019 05:05 AM

MAYNILA (UPDATE)—Arestado ang isang Nigerian national at 4 na kasamahang Pinoy sa buy-bust operation sa Barangay Ramon Magsaysay, Quezon City Miyerkoles ng gabi.

Nasamsam sa mga suspek ang higit 1 kilo ng hinihinalang shabu na may halagang P7 milyon.

"Wholesale sila o malakihan so ibig sabihin hindi sila sa street level users nagbebenta. Mga pusher talaga binebentahan nila," ani Agent Jonar Cuayzon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Iniimbestigahan pa kung anong drug group kasama ang dayuhan pero ayon sa PDEA ay madalas umano ito sa Cavite.

Noong Marso 2018, 2 Nigerian din na kasama umano sa African drug syndicate ang nahuli sa operasyon ng PDEA sa Bacoor, Cavite.

Nitong Enero naman, 2 Nigerian ulit na kasama sa tinatawag na Black Mamba syndicate ang nahuli ng mga pulis sa Dasmariñas, Cavite.—Ulat nina Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.