Magtiyo na nagbebenta ng marijuana, tiklo sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 05:53 AM | Updated as of Aug 01 2019 07:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Timbog ang magtiyo sa buy-bust operation sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City Miyerkoles ng gabi.

Unang nahuli ang pamangking lalaki matapos siyang mabilhan ng P200 halaga ng umano'y marijuana.

Sinabi niyang napag-utusan lamang siya at ikinasa ng mga pulis ang follow-up operation kung saan naaresto ang tiyuhin.

Nakumpiska sa tiyuhin ang isang backpack na naglalaman ng 1 kilo ng hinihinalang marijuana na may halagang P35,000.

Ayon kay Police Col. Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong City police, ginagawa ng pamilya ng magtiyo na negosyo ang pagtutulak ng droga.

Napag-alaman na nakulong na dati ang tiyuhin dahil din sa ilegal na droga. Itinanggi naman niya na sa kaniya ang droga.

"Iniwan lang sa akin ang bag. Handa po ako makipagtulungan para ituro sino ang may-ari nito," aniya.—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.