Lalaking nagbayad ng pekeng pera, kalaboso sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 05:55 AM

MAYNILA—Arestado ang isang lalaki nang mahuling nagbayad ng pekeng pera sa isang tindahan ng damit sa Baclaran, Parañaque City Miyerkoles ng gabi.

Sa ulat ng Parañaque City police, nagreklamo sa rumorondang pulis ang kahera ng shop sa Redemptorist Road matapos niyang mahawakan ang P1,000 bill na pinambayad ng 30 anyos na lalaki para sa pantalon. 

Nakita ang isa pang pekeng salapi sa dalang coin purse ng lalaki. 

Ayon sa arresting officer na si Police Staff Sgt. Rey Samson, aminado ang suspek na alam niyang peke ang pera. 

Binigay lang umano ito sa kaniya ng kaibigan na pinangakuan niyang hahatian ng sukli kapag naipambayad ito. 

Kumpara sa tunay na P1,000 bill, hindi pino ang pagkaka-print ng mga titik nito at mas makapal at makinis sa paghawak ng papel. 

Scotch tape rin umano ang ginamit na pampakintab para sa bahagi ng optical variable device patch o hologram sticker. Litaw din ang watermark sa gilid kahit hindi ito itapat sa liwanag.

Kakasuhan ang suspek sa ilalim ng Article 168 ng Revised Penal Code o illegal possession of counterfeit treasury and bank notes. 

Ipasusuri naman ang nakumpiskang pera sa Bangko Sentral ng Pilipinas.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.