Honeylet Avanceña, nakiisa sa Breastfeeding Summit sa Iloilo City

Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 03:35 PM

Isa si Honeylet Avanceña sa mga advocate na nagsusulong ng breastfeeding. Jennifer Garcia, ABS-CBN News

ILOILO CITY – Dumalo bilang panauhing pandangal si Honeylet Avanceña, ang partner ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa pagtitipon ng daan-daang nurses sa lungsod para sa Breastfeeding Summit. 

Layunin nito ang hikayatin ang nurses na isulong ang pagpapasuso ng mga ina sa kanilang mga anak.

Sa kaniyang talumpati, isinulong ni Avanceña na isa ring nurse, ang advance practice ng nursing.

“It is high time they can come up with polishing the nursing law,” sabi niya.

Ikinuwento niya kung paano siya tinulungan ng Filipino nurses nang manganak sa Amerika. Ayon kay Avanceña, mahalaga ang papel ng nurses lalo na sa pagtuturo sa mga ina ng wastong pag-aalaga sa mga anak. 

Dagdag pa niya, kulang ang bachelor’s degree para ihanda ang isang babae sa pagiging ina. Ang pagpapasuso sa anak ay bahagi din ng mahirap na pinagdaraanan ng isang ina.

Hinikayat din niya ang nurses na maging world changers. Hindi aniya kailangan na maging presidente para makagawa ng maganda.

“Ang sa akin lang, I can start as a world changer coming here inspiring you nurses,” sabi niya.

Matapos ang kaniyang talumpati, kinilala siya bilang honorary member ng Mother and Child Nurses Association of the Philippines Inc.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.