Bangkay ng nawawalang misis ng Phividec administrator, natagpuan na

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 06:36 PM

Tinapos na ng pamilya Quijano ang mahigit isang buwang paghahanap sa ilaw ng kanilang tahanan na si Salma.

Tumugma sa dental records ng ginang ang ngipin ng bangkay na pinahukay at pinasuri ng pamilya.

Si Salma ay asawa ni Philippine Veterans Investment Development Corporation (PHIVIDEC) administrator Franklin Quijano na dati ring alkalde ng Iligan City.

Hunyo 27 nang mapansin ng mga anak ng ginang na wala ito sa bahay. Inakala umano ng pamilya na nasa loob lang ito ng compound. Kung saan saan na naghanap ang pamilya at wala ring palatandaang dinukot ito.

Dalawang araw mula nang pagkawala ng ginang, lumutang sa sapa ang isang bangkay may 300 metro ang layo mula sa kanilang compound. 

Hindi nakilala ng pamilya ang bangkay dahil maga na ito at hindi pamilyar sa kanila ang suot na rash guard. Wala ring nag-claim sa bangkay kaya ipinalibing na ito sa isang pampublikong sementeryo.

Nitong huli lang nila naisipang ipasuri na rin ang bangkay para makasiguro kaya’t isinailalim ito sa DNA testing.

Ayon kay Franklin Quijano, bagama’t dumaan sa anxiety ang kaniyang misis dala ng menopausal stage, maaaring naligo lang daw talaga ito at nalunod batay sa suot nitong rash guard.

Tiniyak rin daw ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) kay Quijano na walang palatandaan ng foul play sa katawan ng ginang. Bukas pa rin si Quijano sa pag-iimbestiga ng awtoridad na ayon sa kaniya ay tungkulin ng estado.