2 patay sa salpukan ng van, tricycle sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 06:42 PM | Updated as of Aug 01 2019 07:51 PM

Dalawa ang patay matapos mabangga ng isang van ang isang tricycle sa intersection ng Lopez-Buenavista Road sa Barangay Danlagan, Lopez, Quezon.

Ayon kay Police Master Sgt. Roman Edora, chief investigator ng Lopez Police, nabangga ng van ang tricycle nang magkasalubong ang dalawang sasakyan sa intersection. 

Galing Bicol at patungong Maynila ang van habang galing ng Lopez patungo ng Buenavista ang tricycle.

Dead on arrival sa Magsaysay District Hospital ang sakay ng tricycle na si Ramon Saladas. 

Namatay naman habang pinapagamot sa ospital ang drayber ng tricycle na si Jimboy Gonzales. 

Walang nasaktan sa mga sakay ng van na pawang mga empleyado ng isang construction company.

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng van na si Neil Romano Basilla, na kinasuhan na ng reckless imprudence resulting in double homicide and damage to property. 

-- Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.