2 MMDA traffic enforcers arestado sa umano'y pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2019 09:37 AM

MAYNILA -- Kulong ang 2 MMDA traffic enforcer at 1 empleyado ng Pasay City traffic sa umano'y pangingikil sa mga nahuli nilang driver sa Macapagal Boulevard nitong Huwebes.

Dalawang lalaki ang lumapit sa pulisya dahil hinihingan daw sila ng P200,000 matapos mahuling kolorum ang dala nilang van, ayon kay Police Sgt. Noel Borden, imbestigador ng Pasay Police. 

Lumapit ang mga biktima sa pulisya para hulihin ang mga traffic enforcer lalo pa't hindi naman daw kolorum ang sasakyan nila.

Nang bumalik sa Macapagal Boulevard para magkapalitan ng pera at ng mga nakumpiskang lisensya, nakatunog umano ang mga enforcer na may mga kasamang pulis ang mga biktima.

Tumakbo raw agad ang mga suspek kaya hinuli sila ng pulisya kahit hindi natuloy ang transaksyon.

Ayon kay Borden, naharap na rin noon sa reklamong extortion ang mga naturang enforcer pero hindi umusad ang kaso dahil umatras ang mga complainant.

Aniya, ilan sa mga kinikikilan nila noon ay mga van na may dalang Chinese at inakusahan ding kolorum.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.