Pasimuno ng gulo? Mga nagprotesta sa NutriAsia, bumuwelta sa paratang

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 07:31 PM | Updated as of Nov 07 2019 10:28 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos maglabas ng NutriAsia ng CCTV footage bilang "patunay" na sa mga welgista nagsimula ang gulo noong Lunes, bumuwelta naman ang mga militanteng grupo at ipinakita ang mas "detalyadong" mga video sa parehong insidente.

Sa video makikita ang girian ng dalawang grupo.

May hawak na kalasag ng pulis ang mga guwardya at makikita ang isa sa kanila na pasimpleng mamamalo at nagtatago.

Ani Fr. Rolando De Leon na siyang nagmisa noon para sa mga trabahador ng NutriAsia, tila mga "goons" aniya ang akto ng mga sekyu. 

"Meron na silang hawak na mga bato eh nagdadasal pa lang kami. Ecumenical prayer pa lang ang yugto noon," pagbabahagi niya. 

Ipinakita din ng militanteng grupo ang video ng viral na lolang si Leticia Retiza, na duguan matapos tamaan ng malaking bato sa ulo.

Makikita rin ang video na ibinabato ng mga guwardiya ang mga kahoy at kalasag.

Sa isa pang video makikitang kinakaladkad nila ang University of the Philippines student na si Jon Bonifacio, na ayon sa kaniyang mga kasama ay may immersion sa NutriAsia. 

Ayon sa grupong Bayan Muna na nakikisimpatiya sa mga manggagawa, 19 ang naaresto mula sa grupo ng nagpoprotesta.

Hindi nila isinama si Edward Barana na nahulihan ng baril at shabu dahil hindi naman daw nila ito kasamahan.

Giit nila, "tanim-suspek" ang ginawa ng mga taga-NutriAsia upang mapasama ang imahe ng mga welgista.

"Nagtanim sila nu'ng si Edwin. Sinasabi nila kasama daw nu'ng mga nahuli at nahulihan ng droga at baril, which is hindi po totoo," giit ni Jerome Adonis, secretary general ng grupo.

Sa isang pahayag, itinanggi ng NutriAsia ang akusasyon na nagplanta sila ng mga masasamang elemento para magkagulo.

"We categorically deny the allegation that NutriAsia planted bad elements to create chaos in the picket line. We stand by an evidence-based principle showing that the altercation was instigated by the picketers," ani Thelma Meneses, human resource head ng NutriAsia.

Nitong Miyerkoles ay nakalaya na ang 19 na naaresto at nagsalo-salo sila bilang pasasalamat sa mga sumuporta sa kanila.

Ayon sa isang nakulong na si Einstein Recedes, hindi pa ibinabalik ng mga pulis ang ilan sa kanilang mga gamit.

"Iyung mga pera po namin, nasa custody ng pulisya pero dine-deny nila na nasa kanila," ani Recedes, na secretary general din ng grupong Anakbayan.

Itinanggi naman ng hepe ng Meycauayan police na kinuha nila ang gamit ng mga naaresto. —Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.