'Ipinuslit na pera ng mga Napoles sa US, pinambili ng mga kotse, ari-arian'

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 07:33 PM

Idinaan daw ng pamilya ni Janet Lim-Napoles ang kanilang mga nakulimbat sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas sa pamamagitan ng money remitters sa Pilipinas upang ipuslit ito papasok sa Amerika.

Sa inilabas na pahayag ng US Department of Justice, sinabi nitong inilipat ang pera sa ilang Southern California bank accounts, bago ginasta sa sari-saring ari-arian ng mga Napoles. 

"Napoles and her family then attempted to quietly liquidate the assets in the US, secretly repatriate most of the resulting funds back to the Philippines and to other accounts in the US and United Kingdom, and disburse some of the funds to Jeane Napoles, who used the money to finance her lifestyle and open a fashion business," ayon sa ahensiya. 

Bukod sa real estate, ginamit din ng pamilya Napoles ang pera para bumili ng dalawang mamahaling sasakyan, shares sa dalawang negosyo, at pantustos sa marangyang pamumuhay nila sa Amerika.

Dahil dito, na napagdesisyunan ng isang US federal grand jury na kasuhan ng "conspiracy to commit domestic and international money laundering" ang tinaguriang "pork barrel queen" at ilan sa kaniyang mga kaanak.

• Janet Lim Napoles, 54 anyos
• Jo Christine Napoles, 34 anyos
• James Christopher, 33 anyos
• Jeane Catherine, 28 anyos
• Reynald Luy Lim, 52 anyos 
• Ana Marie Lim, 47 anyos 

Nabawi naman ng US Attorney’s Office ang tinatayang $12.5 milyon mula sa mga pag-aari ng mga Napoles sa Southern California.

Matatandaang noong 2013 ay pinaimbestigahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pamilya Napoles matapos kumalat sa social media ang mga mamahaling gamit ni Jeane.

Makikipag-ugnayan ang gobyerno ng Amerika sa gobyerno ng Pilipinas para maibalik ang mga umano'y nakaw na pera. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.