Binata, patay matapos mabaril umano ang sarili

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 03:55 AM

ILOCOS NORTE - Patay ang isang binata matapos aksidente umano nitong mabaril ang sarili sa bayan ng San Nicolas, Ilocos Norte Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Dave dela Cruz, 20-anyos, residente ng Barangay 21, San Nicolas.

Bago ang insidente, reresbak sana si Dela Cruz at ang 4 niyang kasamahan sa isang gulo sa isang videoke bar sa Barangay 16.

Kuwento ni Jojo dela Cruz, barangay chief tanod ng lugar, nagtawag umano ang kaniyang pinsan na si Carmelo ng resbak.

"Eto kasing pinsan ko na Carmelo, itinakbo itong tricycle ko, nagtawag na pala," aniya.

Pero hindi natuloy ang resbakan nang makitang may mga rumespondeng pulis.

Habang pauwi na ang grupo, sinubukan daw ng biktima ang ipinahawak sa kaniyang pen gun hanggang sa aksidente niya itong maiputok.

Natamaan siya sa kamay at tiyan. Itinakbo pa ito sa ospital pero namatay habang ginagamot.

"Kinalikot niya ng isang beses pero hindi pumutok pero noong ikalawa, pumutok na," ani Wilfred Barruga, isa sa mga kasama ng biktima.

Hindi naman kumbinsido ang pamilya ng binata.

Iginiit naman ng mga kasama ng biktima na aksidente ang nangyari. Inimbestigahan ng pulisya ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.