10 tauhan ng towing company, arestado sa 'pangingikil'

Lady Vicencio at Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 05:57 AM | Updated as of Aug 07 2019 03:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang 10 tauhan ng isang towing company sa entrapment operation sa Makati City Miyerkoles ng madaling-araw matapos umanong mangikil sa ilang truck driver.

Ikinasa ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang operasyon matapos nilang mapag-alaman ang umano'y ilegal na gawain ng towing company.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa mga nagrereklamo, bago pa man mahatak ng towing company ang mga sasakyan, aaregluhin na ito para hindi na madala sa impounding area sa Makati City.

May nakapaskil sa mga towing truck na presyo ng towing service depende sa laki ng sasakyan.

Pero ayon sa RSOU, tila hindi raw ito nasusunod dahil nagkakasingilan agad sa kalsada.

Kuwento ng isang biktima, nasiraan siya ng trak sa Osmeña Ave. pero siningil siya agad ng P5,000 para mahatak ang sasakyan.

"Ang presyo nila P5,000 raw hanggang sa walking distance na Shell. Eh sabi ko ang laki naman. Basurero lang kami. Hanggang umabot na ang tawaran namin ng P3,500," aniya.

Depensa naman ng mga hinuli, nirerentahan ang mga towing truck sa accredited service provider ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaya lehitimo ang kanilang serbisyo.

Pero may isang drayber na blangko ang resibong natanggap matapos magbayad ng P8,500 para mahatak ang nasirang trak.

Nang hanapin ang mga susi na kinukumpiska rin umano ng towing company, nagkaturuan na.

Dinala na sa Camp Bagong Diwa ang mga inaresto na maaaring kasuhan ng robbery-extortion at car theft dahil sa hindi awtorisadong pagkumpiska ng susi ng mga sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.