10 patay magdamag sa mga operasyon kontra kriminalidad sa Bulacan

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 05:29 AM | Updated as of Aug 07 2019 06:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BULACAN - Patay ang 10 katao sa magkahiwalay na operasyon sa iba't ibang bayan sa Bulacan mula Martes ng gabi hanggang Miyerkoles ng madaling-araw.

Sa Bypass Road, Barangay Caingin, San Rafael, patay ang 3 hinihinalang holdaper nang makipagbarilan sa mga pulis.

Una munang hinoldap ng mga kawatan ang isang convenience store at tinangay ang P25,000 peso at mga cellphone.

Tumakas ang mga salarin sakay ng kotse pero naharang ng mga pulis. Sa halip na sumuko, nakipagbarilan pa umano ito.

Dead on the spot ang 3 lalaki na armado ng mga kalibre .45 na baril at kalibre .38 na baril. 

Sa bayan ng Pulilan, napatay naman sa Barangay Cutcot si alyas Ogag nang manlaban umano sa mga pulis sa buy-bust operation.

Sa Poblacion, Baliuag, patay ang isa umanong drug pusher nang manlaban din umano sa mga pulis. Nakatakas ang kasama niya.

Sa Obando naman, nakabarilan din ng mga pulis ang 2 lalaki na sakay ng motorsiklo sa buy-bust operation sa Barangay Tawiran.

Patay ang suspek na si alyas Keng Keng at nakatakas ang kasamahan niya.

Samantala, sa Barangay Santisima Trinidad, Malolos City, naka-engkuwentro at napatay ng mga pulis sa isang bahay si alyas Alden na umano'y drug pusher at sangkot sa panghoholdap.

Sa Barangay Longos sa Malolos City pa rin, napatay ng mga rumespondeng pulis ang isang lalaki na nagnanakaw umano sa mga bahay sa isang subdivision. Nakatakas naman ang 2 niyang kasamahan.

At sa San Jose del Monte, 2 hinihinalang carnapper ang napatay sa operasyon ng Highway Patrol Group (HPG). Sangkot din umano ang 2 suspek sa illegal drugs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.