Mas malaking intelligence fund, inilaan ng gobyerno para sa 2018

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 03:04 AM

Naglaan ng mas malaking intelligence funds ang gobyerno para sa 2018 sa kabila ng pag-amin na hindi napahalagahan ang intel info tungkol sa Maute group na nauwi sa Marawi siege.

Kasama sa budget proposal para sa 2018 na isinumite ng Pangulo sa Kongreso ang P4.12 bilyon intelligence fund ng buong gobyerno at ang P2.085 bilyon confidential fund.

Noong nakaraang taon, P3.495 bilyon lamang ang inilaan sa intelligence fund habang P2.083 bilyon naman para sa confidential fund.

Walang nabago sa intelligence at confidential funds ng Pangulo na nanatili sa P1.25 bilyon.

Bahagya namang nadagdagan ang intelligence fund ng militar at may mga nakakalat pang intelligence at confidential funds sa iba pang maliliit na ahensiya.

Samantala, higit sa doble naman ang intelligence fund ng Philippine National Police (PNP).

“I'm not sure it's more than doubled. Baka kasi hindi niyo na nakita, mayroon kasing mga additional releases this year for the intelligence fund as a result of the Marawi incident, so it may not be more than doubled,” paliwanag ni Budget Secretary Benjamin Diokno.

Dati nang inamin ng gobyerno na walang failure of intelligence kundi hindi lang napahalagahan ang intel info tungkol sa Maute group na nauwi sa Marawi siege kaya inaasahan nang masusuri ito sa budget deliberations.

“Itong PNP saan nila gagamit ito? Ito ba’y ginagamit sa giyera kontra sa droga? Kung ganun bakit hanggang sa kasalukuyan, may’ron na ba silang na-prosecute na malaking drug lord?" ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Lalo namang lumiit ang dati nang maliit na confidential fund ng Commission on Human Rights (CHR). Mula sa P5 milyon, P1 milyon na lamang ang inilaan para rito.

“Mabuti nga mayro’n pa silang 1 million eh. Quite frankly, bakit kailangan ng CHR ng confidential fund? But there was no instructions from the President,” ani Diokno.

Sa kabuuan lumiit ang budget ng tanggapan ng Pangulo pati na ang nakalaan para sa mga biyahe. Nawala rin ang budget para sa ASEAN Summit ngayong taon.

“Wala naman kaming masyadong tinanggal but there are many offices under the Office of the President that are candidate for rightsizing. Maybe that will have an impact in 2019,” ani Diokno.

Nakaabang na rin ang minorya para busisiin ang budget na didinggin na sa Kamara sa susunod na buwan. Layon nila na maisumite ito sa Senado sa Setyembre.

“Our job now is to make sure that the National Policy enunciated by the President can be effectively implemented through the budget, which he proposed,” ani House Minority Leader Rep. Danilo Suarez.

Nagkasundo naman ang mga lider ng Kamara at Senado nitong Martes na prayoridad nila ang 35 panukalang batas ngayong second regular session.

Kabilang sa mga prayoridad na panukalang batas ang tax reform, charter change, Bangsamoro Basic Law, pagtatapos ng end of contract o "endo", Traffic and Congestion Crisis Act, at national ID system.

Wala sa listahan ang pagbabalik ng death penalty na lusot na sa Kamara ngunit hindi pa umuusad sa Senado. -- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.