'Pasugalan' sa loob ng Quiapo mall nabuking; 8 arestado

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 07:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nilusob nina Manila Mayor Isko Moreno at ng pulisya nitong Miyerkoles ang umano'y pasugalan na nag-o-operate sa isang amusement arcade sa loob ng mall sa Quiapo, Maynila.

Ikinasa ang raid matapos makuhanan ng video noong Hulyo 7 ang mga fruit game machines sa naturang lugar. 

Nagpanggap ang mga tauhan ni Moreno na manlalaro at doon nila natuklasan na pasugalan nga ang naturang establisimyento. 

Naaktuhan pa nila ang ilang mga estudyante na nagsusugal din. 

Kaya bitbit ang search warrant, sinalakay ng mga awtoridad nitong Miyerkoles ang sugalan at agad bumungad sa kanila ang mga menor de edad na naglalaro. Ang ilan, kasama pa ang mga nanay habang nagsusugal.

Bukod sa ilegal na fruit game machines ay nakumpiska rin ang isang slot machine.

"This is a casino inside a mall... We checked kung may license sa PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corporation) pero wala," giit ni Moreno.

Walo ang arestado, kabilang ang operator ng amusement arcade at dalawang tumataya sa loob. 

Paliwanag ng pulisya, dapat token ang ginagamit sa amusement arcade at hindi mismong barya dahil lumalabas na sugalan na ito.

"Illegal gambling ito kasi piso mismo ang hinuhulog dito sa fruit game. Gambling talaga. Kasi nakalagay sa permit amusement arcade eh hindi naman gano'n ang nangyayari," ani Police Maj. Rosalino Ibay, hepe ng Special Mayor's Reaction Team (SMaRT).

Dalawang bulto ng barya na nagkakahalaga ng P20,000 ang nakumpiska ng mga pulis mula sa establisimyento.

Pinasara muna ang amusement arcade pero iniimbestigahan din kung may pananagutan ang mall sa ilegal na pasugalan. —Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.