Kautusan para mapababa ang presyo ng branded medicine binabalangkas

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 08:07 PM | Updated as of Aug 01 2019 04:45 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mas murang gamot para sa publiko ang layon ng isang administrative order (AO) na binalangkas at nais ipasa ng Department of Health (DOH).

Sa ilalim ng naturang draft AO, papatawan ng "maximum retail price" (MRP) ang mga gamot para maging abot-kaya ito sa masa.

"Pinipili natin dito 'yung mga gamot na walang kakumpitensiya, walang generic equivalent. Tapos 'yung price niya pag kinompeyr, masyadong mataas kaysa sa ibang bansa... Kailangan maging accessible [ang mga gamot]," ani DOH Undersecretary Eric Domingo.

Halimbawa, ang gamot kontra stroke na Triflusal, may kasalukuyang presyo na P49.50 sa merkado pero kapag naipatupad ang MRP, maaaring bumaba ito sa P34.83.
    
Ang Alteplase naman na ginagamit para ma-dissolve ang mga blood clot, may kasalukuyang presyo na P50,000. Ngunit kapag may MRP, posibleng maging P26,543 na lang ito. 

Ani Domingo, depende sa gamot ang magiging MRP nito. 

"Wala namang fixed na percentage na hinahabol. Kundi hinahanap natin 'yung reasonable level," paliwanag niya. 

Pero ang grupong Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP), tutol sa pagpataw ng MRP dahil maaaring mapasama raw ang reputasyon ng Pilipinas sa drug manufacturers.

"If they feel that it will be priced in a way that will not be competitive, then the Philippines will be one of the last countries to receive the medicines," ani PHAP executive director Teodoro Padilla.

Pero giit ni Vic Dimagiba ng grupong Laban Konsyumer, suportado nila ang naturang panukala. 

"Supported namin ito. Price rollback ito eh. It’s about time," ani Dimagiba. 

Kailangan pang dumaan sa public consultation ng draft AO pero target ng DOH maipasa ito bago matapos ang 2019.

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.