HULI SA VIDEO: Motorista, traffic enforcer nagpambuno sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan ng video ang away ng isang motorista at traffic enforcer sa Makati City, na umano ay nag-ugat sa traffic violation.

Sa cellphone video na nakuhanan noong umaga ng Hulyo 25 sa Barangay Bel-Air, mapapanood ang driver ng pulang kotse na sinusuntok ang enforcer ng Makati Public Safety Department.

Pilit na sinasalag ng enforcer ang mga suntok habang kinakapitan ang driver, base sa kuha ng video.

Nagpambuno ang dalawa hanggang sa matumba pero patuloy na sinuntok at sinipa ng driver ang enforcer. 

Inawat ng mga dumadaan ang dalawa pero nang makatayo, sinuntok pa ng driver ang enforcer, na natumba matapos tamaan sa panga.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa enforcer na si Arturo Orozco, ikinuwento niyang nag-ugat ang away sa pagsita sa driver.

Sinita ng kasamahan ni Orozco ang driver matapos hindi huminto kahit nakapula na ang traffic light kaya hinabol.

"Nandoon pa lang siya sa loob ng sasakyan, minumura na niya ako," ani Orozco.

Tumakas ang driver matapos ang insidente.

Walang plaka ang kotse pero nakuha ang conduction number nito.

Nakikipag-ugnayan na ang mga pulis sa Makati Public Safety Department at Land Transportation Office para sampahan ng kaso ang driver. Hihilingin din ang pagtanggal sa kaniyang lisensiya.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.