Grade 9 student sinaksak ng kaeskuwela malapit sa paaralan sa CDO

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 03:55 PM | Updated as of Jul 31 2019 04:36 PM

CAGAYAN DE ORO - Nagpapagamot ngayon ang isang 15-anyos na Grade 9 student sa Barangay Canitoan matapos saksakin umano ng kapwa estudyante Martes ng hapon.

Ayon sa pulisya, inakbayan ng suspek ang biktima malapit sa gate ng PN Roa Senior High School saka ito sinaksak.

Nagtamo ng 3 tama ng saksak sa likod ang biktima.

Patuloy na pinaghahanap ang suspek, na isang Grade 11 student na pumapasok din sa naturang paaralan.

Ayon kay PCMS Camaloding Macmac, Chief Investigator ng Bulua Police base sa kanilang nakuhang mga pahayag, posibleng gumanti ang suspek dahil nabugbog ng biktima ang kanyang nakababatang kapatid.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang mga guro ng paaralan. Hindi na rin nila pinayagang magbigay ng pahayag ang mga nakasaksing estudyante.

Sa parehong paaralan, nasaksak at napatay ng 15-anyos na estudyante ang kanyang guro dahil sa galit noong 2016.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.