Buntis, 2 menor de edad, 3 iba pa huli sa Cavite buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 04:33 PM

Arestado ng pulisya sa Rosario, Cavite ang 1 buntis, 2 menor de edad, at 3 iba matapos silang mahuli sa ikinasang anti-drug operation sa naturang lugar. 

Sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay at doon nahuli ang 6, na umano'y nagbabatak ng hinihinalang shabu. 

Kinilala ang 2 sa mga suspek na sina Rodney Dela Cruz, ang nangungupahan sa bahay, at Rona Lising, ang kinakasama nito na 6-buwang buntis. 

Ayon sa pulisya, ginagamit ng mag-live in partner ang 2 menor de edad bilang drug runner sa kanilang negosyo sa droga. 

Inilipat na sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 2 batang nahuli. 

Sinampahan naman ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang 4 suspek na nahuli sa loob ng bahay.

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.