Higit sa 200-kilo ng mishandled at frozen meat, nakumpiska

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 10:50 AM | Updated as of Jul 31 2019 12:07 AM

Umabot sa 290-kilos ng mishandled at frozen meat ang nakumpiska mula sa apat na tindahan sa Batangas.

ROSARIO, Batangas - Sinalakay ng mga tauhan ng National Meat Inspection Service-Southern Tagalog ang apat na meat shops sa naturang bayan, Martes ng umaga.

Natuklasan ng NMIS na ang nasabing meat shops ay nagtitinda ng mga karne ng baboy at baka na kinatay sa mga katayan na bumagsak sa accreditation ng mga slaughter house.

May isang meat shop na nagmula pa sa Sariaya, Quezon ang mga karne. Wala itong maipakitang meat inspection certificate o MIC.

Wala naman maipakitang Meat Inspection Certificate ang may ari ng tindahan ng karne sa Barangay Namunga.

Bukod dito, nangangamoy at nagkakatas na ang karne ng baka na paninda dito na binili naman sa isang meat shop sa Taal, Batangas na pagmamay-ari ng isang pulis na dati na rin nasita ng NMIS.

Pinuntahan din ng grupo ang isang tindahan na nagbebenta ng imported meat mula Canada at Ireland. Walang maipakitang updated na Certificate Of Meat Inspection o COMI ang may-ari para sa mga ito.

Nasita din ang pagbebenta nito ng imported na mechanically deboned meat o MDM na pinapayagan lamang na ibenta kapag nagawa nang siomai, hotdog at iba pang processed food.

Naabutan naman ng grupo na naglilinis ng mga freezer ang tauhan ng meat shop pero ikinagulat nila kung paano sinalansan ang mga karne mula dito sa loob ng kusina ng shop.

Mistulang pinagpatong-patong na basura ang mga karne na malapit sa maruming lababo at palikuran.

Dahil dito, tuluyan nang kinumpiska ng NMIS ang mga panindang karne.

Ipina-blotter na sa PNP-Rosario ang mga nakumpiskang karne at inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa meat shop owners.

Umabot sa mahigit 290-kilos ng karne ang nakumpiska ng NMIS sa halos apat na oras lamang na operasyon.

Nakatakdang ibaon sa lupa ang mga nakumpiskang karne ngayong araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.