Galaw ng pasahe balak ibase sa galaw ng presyo ng petrolyo

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 08:37 PM

Balak ibase ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa galaw ng presyo ng produktong petrolyo ang galaw ng pasahe. 

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2019-035 ng LTFRB, hindi na kailangang dumaan sa pagdinig ng LTFRB ang mga hirit na pagtaas o pagbawas sa halaga ng pasahe.

Sa halip, ibabase ang magiging halaga ng pasahe sa mga presyo ng diesel at gasolina, na ire-review kada 6 na buwan. Sakop nito ang mga jeep, bus, taxi, at UV express. 

Sa formula, aalamin ang porsiyento ng itinaas ng presyo sa loob ng 6 na buwan. Halimbawa rito, kung magtaas ng P5 kada litro ang gasolina sa loob ng anim na buwan. 

Isasaalang-alang din ang 35 porsiyentong gastos ng isang public utility vehicle (PUV) sa produktong petrolyo.

Sa kasalukuyang pasahe na P9 base fare at P1.40 dagdag sa mga susunod na kilometro, ang resulta ay P9.315 sa base fare at P1.449 sa susunod na kilometro.

Ang LTFRB ang magpapasiya kung paano ira-round off ang halaga.

Kapag may kakaibang pagtaas o pagbaba sa presyo, kahit wala pang 6 na buwan ay ire-review na raw ito ng ahensiya, ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra.

Sisimulan ngayong Martes ng LTFRB ang pagbantay sa galaw ng presyo ng petrolyo.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.