Dalagita patay nang makuryente sa extension cord

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 08:42 PM

SAN NICOLAS, Ilocos Norte - Patay ang isang 17 anyos na babae matapos makuryente sa isang extension cord sa kanilang bahay sa bayang ito.

Hindi matanggap ng pamilya ng biktimang si Crista Jessica Mamuad ang nangyari sa kaniya.

Maglalaba lamang sana ito noong Linggo nang mangyari ang insidente.

Nakuryente si Mamuad sa extension cord kung saan niya sana isasaksak ang washing machine.

Ayon sa pinsan ng biktima, nakahiga sa tabi ng washing machine at nangingitim na ito nang kanilang nakita.

Dinala sa ospital si Mamuad at nanatili sa Intensive Care Unit ngunit pumanaw rin nitong Lunes.

Paalala naman ng Bureau of Fire Protection, mas mainam na sa main outlet lamang isaksak ang mga appliances tulad ng washing machine.

Dinamitan ng pamilya ng blue na gown si Mamuad dahil pangarap umano nitong mag-debut sa kaniya sanang kaarawan sa Oktubre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.