Pulis na umano'y nanakit, nagbantang papatay ng 2 binatilyo, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 05:25 PM | Updated as of Jul 30 2018 09:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinuli noong Linggo ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang pulis-Pasay na umano'y nanakit at nagbantang papatayin ang dalawang binatilyo.

Kinilala ang pulis bilang si Senior Police Officer 2 Randy Fortuna ng Pasay Explosive Ordnance Disposal.

Inireklamo si Fortuna dahil sa umano'y pagmumura, pananampal at pagbanta ng kamatayan sa dalawang binatilyo sa loob mismo ng tanggapan ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

May edad na 17 at 18 anyos ang mga biktima, na parehong anak ng non-uniformed personnel ng NCRPO.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa mga biktima, pinagbintangan sila ng suspek na nagnanakaw sa quarters ng Southern Police District.

Ayon naman kay Fortuna, sinabihan niya lang ang mga binatilyo at ang tanging mali niya lang umano ay nakainom siya.

Nanawagan naman si NCRPO director Chief Superintendent Guillermo Eleazar sa publiko na huwag mag-alinlangang isumbong sa kanila ang mga pulis na sangkot sa ano mang katiwalian o pang-aabuso.

Mahaharap ang suspek sa patong-patong na kasong attempted homicide, slight physical injury in relation to child abuse at grave misconduct.

-- May ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.