Limitasyon sa inaangkat na bigas, nais tanggalin

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 09:05 PM

Itinutulak nitong Lunes ng ilang ahensiya ng gobyerno ang pagpapalit ng sistema sa pag-aangkat ng bigas sa bansa. 

Sa kasalukuyang balangkas ng quantitative restrictions sa bigas ay limitado ang puwedeng ipasok na bigas sa bansa para protektahan ang mga lokal na magsasaka laban sa sobrang pag-aangkat.

Sa panukalang isinusulong ng pamahalaan, nais buksan ang pag-aangkat ng bigas sa lahat basta magbabayad ng taripa na aabot sa 35 porsiyento.

Ang hakbang na ito umano ay magdudulot ng pagdami ng bigas sa pamilihan at magreresulta sa pagbaba ng presyo nito.

"Mataas ang presyo dahil limited ang pagpasok ng murang bigas," saad ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino. 

Sa taya ng gobyerno, posibleng bumaba nang P4 hanggang P7 kada kilo ang presyo ng bigas kung matutuloy ang panukala.

"If every year, we will get 10 billion as subsidy for the rice industry because of the lifting of the QR...kinuwenta na namin, we can give free seed to the farmers, we can even subsidize fertilizer, [and] we will be able to achieve our target," ani Sec. Emmanuel Piñol ng Department of Agriculture.

May alinlangan naman ang ilang grupo sa mungkahi ng gobyerno dahil maaaring magdulot anila ito nang mas maraming smuggler ng bigas.

"Iyan ang pang-come on nila doon sa pagpapadali doon sa pagpasok natin sa rice tariffication law," ani Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas.

"Iyong pagpasok natin sa tariffication law na 'yan ay mas magbubukas sa palengke natin sa paglakas ng mga smugglers at rice cartel," dagdag ni Estavillo.

TRAIN 2

Isa ang naitatalang pagtaas ng inflation rate sa mga dahilan kaya nag-aalangan ang ilang mambabatas na suportahan ang pangalawang bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Sa kabila ng agam-agam ng ilang mambabatas ay kampante ang pamahalaan sa ikalawang parte ng tax reform law.

"Last year medyo ganito rin yung sinasabi nila tungkol sa TRAIN 1, around this time last year. Pero in the end, pinirmahan pa rin ni President Duterte ang TRAIN in December 2017," ani Lambino.

— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.