Lalaking ilegal na nagbebenta ng manok galing sa isang fast food chain, arestado sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2019 06:22 AM

DAVAO CITY - Arestado sa isang entrapment operation Sabado ng hapon ang isang lalaking inireklamong ilegal na nagbebenta ng manok galing sa isang fast food chain.

Nakakulong ngayon sa Santa Ana Police Station ang isang Candiver del Puerto Padua na isang motorized sidecar driver matapos mahuli sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group Davao City Field Unit (CIDG DCFU) sa parking area sa isang mall sa may J. P. Laurel Avenue, Davao City.

Ayon kay Police Major Milgrace Driz, team Leader ng CIDG-DCFU, nagreklamo at humingi tulong sa kanilang tanggapan ang isang Aga Bulabos ng San Miguel Foods Corporation matapos napag-alaman na ibinebenta umano ni del Puerto Padua ang kanilang special cut chicken na exclusively distributed para sa isang fast food chain.

Base sa investigation ng CIDG Davao, binili ng suspek ang mga manok galing sa delivery van ng San Miguel Foods Corporation sa mas mababang halaga at ibinebenta naman ito online.

Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang CIDG Davao laban sa suspek.

"May kinukuhanan sila galing sa delivery truck at doon sa bagsakan, doon sila bumihili ng products kaya 'yung nadala niya kahapon na mga manok during entrapment operation ay galing sa nakaw," ayon kay Driz.

Pero ayon naman sa suspek, online din umano niya nabili ang karne sa halagang P180 kada balot at ibebenta niya naman ito sa halagang P240.

Inamin ni del Puerto Padua na galing sa isang fast food chain ang biniling manok, pero sa kaniyang pagkakaalam ay may damage na ang mga ito.

"Mao ra sab na kay dili sila mosulti kinsa ilang kontak didto. Ako igo ra man ko mokita kaya nipalit ko kay nangyawat ko ako lang maka-invest sab ko diha sa online ra man nako nakita,” ayon sa suspek.

('Yan lang din, ayaw nilang sabihin kung sino ang kanilang kontak. Doon ako bumili lang talaga para kumita din ako online.)

Kasong paglabag sa Republic Act 1612 o ang Anti - Fencing Law ang haharapin ni del Puerto Padua.

Magsasagawa rin ng follow-up operation ang CIDG Davao para sa mga kasabwat ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.