'Bikoy' sumuko sa CIDG sa kasong cyberlibel

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2019 08:47 PM | Updated as of Jul 29 2019 09:17 PM

MAYNILA - (UPDATE) Sumuko sa tanggapan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Camp Crame ngayong Lunes si Peter Joemel Advincula, na nakilala sa alyas na "Bikoy".

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Arnold Ibay, hepe ng CIDG National Capital Region, kusang pumunta sa kanilang tanggapan si Advincula.

May warrant of arrest si Advincula para sa kasong cyberlibel na isinampa ng businessman na si Zaldy Co.

Isa si Co sa idinawit sa tinaguriang "Ang Totoong Narcolist" videos ni Advincula sa social media.

Kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng CIDG si Advincula.

Ayon kay Police Major Benigno Meneses, hepe ng Investigation Section ng CIDG-NCR, Hulyo 11 nang lumabas ang warrant of arrest laban kay Advincula mula sa Legazpi City Regional Trial Court Branch 5.

Dumaan si Advincula sa booking procedure bago dinala sa detention cell.

Halagang P10,000 ang itinakdang piyansa ng korte.

Ayon kay Meneses, pansamantalang makakalaya si Advincula oras na makapagpiyansa ito.

Nitong Mayo, inaresto si Advincula para naman sa kasong estafa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.