Barangay chairman na nanutok umano ng baril, humarap kay Mayor Isko

Isay Reyes, ABS CBN News

Posted at Jul 29 2019 05:03 PM | Updated as of Jul 29 2019 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Humarap kay Manila Mayor Isko Moreno nitong Lunes ang barangay chairman na bumunot umano ng baril sa away sa kapitbahay. 

Sa Facebook account ng alkalde, inanunsiyo nito ang palugit kay Barangay 790 Zone 86 chairman Amado Soriano hanggang ngayong Lunes para humarap sa kaniya at ipaliwanag kung bakit siya inirereklamong naglabas ng baril habang nagaayos ng away kapitbahay. 

Kasama ang kaniyang pamilya, naluluhang humarap si Soriano kay Moreno at humingi ng paumanhin. Anak daw niya ang nasaktan kaya niya nagawa ito at sobra na raw ang pambabastos sa kaniya ng ilang residente sa kaniyang barangay. 

Ipinaliwanag din ng anak ni Soriano na sinusubukan daw nilang pumarada, nang bigla silang bastusin ng mga kapitbahay. 

Nag-init naman ang kampo ng mga complainant na ipinakita pa sa lahat ang litrato ng pag hugot ng kapitan ng baril. Dagdag pa nila, marami na raw ang nagre-eklamo sa pamamalakad ni Soriano. 

“Dapat po siya ang nag aayos. Paglusob niya po may dala po siyang baril. Kawawa naman po kami sa barangay namin,” sabi ng isa sa mga complainant. 

Hinikayat ni Moreno na magsampa ng reklamo ang mga complainant laban kay Soriano pero binigyang diin nito na magsilbi sanang aral ang insidentengsa lahat pa ng mga kapitan at tauhan ng mga barangay sa Maynila. 

“It is not up for me to say if he is guilty or not or to tell what happened really, let the natural course of processes be given to him. Gusto ko lang ituwid. Kapag may ganoon, hangga’t maaari, mayroon naman tayong uniformed personnel. Wag niyong tinatakbuhan, wag iyong hahawakan at ilalagay sa kamay ang batas. Kaya nga tayo may pulis,” ayon kay Moreno. 

“Maging takdang aral ito sa lahat ng Chairman,” dagdag niya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.