Pag-apruba sa pagtatatag ng National Commission of Senior Citizens ikinatuwa

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2019 06:17 PM | Updated as of Jul 28 2019 10:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinatuwa ng grupo ng mga senior citizen ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang magtatag ng National Commission of Senior Citizens.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11350 o the National Commission of Senior Citizens Act, iisang ahensiya na lang ang magpapatupad ng mga serbisyo at programa para sa mga senior imbes na lokal na pamahalaan at Department of Social Welfare and Development.

Sa bagong batas, magiging P1,000 kada buwan ang pensiyon na ibibigay sa mga mahihirap na senior citizen mula P500.

"'Pag nagkaroon ng ospital para sa senior, hahaba ang buhay," ani Senior Citizen party-list Rep. Francisco Datol.

Iminungkahi na rin ng grupo na dagdagan pa ang diskuwento na 5 porsiyento para sa mga pangunahing bilihin, tubig at kuryente.

Gagawin ding nationwide ang pagpapatupad ng mga benepisyo para sa mga senior citizen gaya ng libreng panonood ng sine mula Lunes hanggang Biyernes, at express lane sa mga pamilihan at pampublikong lugar.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.