Lalaking 'nanghalay, nanakit' sa 4 anak ng kinakasama arestado

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2019 12:51 PM

Naaresto noong gabi ng Sabado sa Mandaluyong City ang isang lalaking umano ay nanggahasa at nanggulpi sa 4 batang anak ng kaniyang kinakasama.

Pangalawa ang suspek sa listahan ng wanted personalities ng Eastern Police District (EPD).

Dinampot ng mga pulis ang lalaki alas-8:45 ng gabi habang papunta ito sa birthday party ng anak ng kaibigan niya sa may Barangay Highway Hills, ayon sa ulat ng EPD.

Inaresto ang lalaki sa bisa ng 4 warrant na inilabas ng Mandaluyong Regional Trial Court Branch 279 para sa mga kasong rape, rape through sexual assault, acts of lasciviousness, at child abuse.

Nasa edad 10 hanggang 14 ang mga biktima, ayon sa ulat. Tatlo umano sa kanila ay ginahasa habang ang isa ay ginulpi sa loob ng bahay ng kanilang ina sa Barangay Addition Hills noong 2016.

Nangyari umano ang pang-aabuso tuwing pumapasok sa trabaho ang ina ng mga bata at iniiwan ang mga ito sa suspek.

Nagsumbong ang mga bata sa kanilang ina pero hindi raw ito naniwala kaya lumapit sila sa mga kaanak ng ina, na humingi naman ng tulong sa Department of Social Welfare and Development, ayon sa ulat.

Nakadetene sa Mandaluyong City Police Station ang suspek. -- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.