Ilang Pinoy, namangha sa pinakamahabang 'blood moon' ng siglo

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2018 08:27 PM | Updated as of Jul 30 2019 03:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Namangha nitong madaling araw ng Sabado ang mga Pinoy na nakatunghay sa pinakamahabang "blood moon" eclipse ng siglong ito.

Blood moon ang tawag sa pansamantalang pamumula ng buwan tuwing may total lunar eclipse, na nangyayari naman kapag gumitna ang Earth sa araw at buwan, at nakaderetsong linya ang tatlo.

Sa Cebu, libreng ipinagamit ang telescope sa isang aerospace university sa Lapu-Lapu City.

Halos umaga na nang magpakita ang eclipse kaya marami ang nanatiling gising sa magdamag para antabayanan ito.

Sa Davao City, pasado alas-2 ng madaling araw lumiwanag ang kalangitan hanggang sa nakita ang blood moon pasado alas-3.

Pero hindi naging visible o tanaw ang buwan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, lalo sa norte, dulot ng masamang panahon, ayon sa PAGASA.

Nabigo ang ilan sa mga nagpunta sa PAGASA Astronomical Observatory sa Diliman, Quezon City na makita ang buwan dahil sa maulan at maulap na kalangitan.
 
Tumagal ang total lunar eclipse ng isang oras at 43 minuto, at mauulit lamang sa taong 2123 pa.

Sinabayan din ang eclipse ng pinakamalapit na ikot ng planetang Mars sa nakalipas na 15 taon.

Makatindig balahibo naman ang retrato ng buwan kasama ang iba-ibang mga tanawin, pasyalan at monumento sa ibang bansa gaya ng Temple of Poseidon sa Greece at Sheikh Zayed Grand Mosque sa United Arab Emirates.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.