Bahay ng alkalde sa Sultan Kudarat, pinasabugan ng granada; 2 sugatan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2018 04:52 PM | Updated as of Jul 28 2018 06:37 PM

Nagkakape si Lambayong Mayor Ramos Abalos kasama ang kapatid at pinsan nito nang biglang sumabog ang isang granadang ihinagis sa loob ng kaniyang garahe. Francis Canlas, ABS-CBN News

SULTAN KUDARAT – Dalawa ang sugatan matapos na pasabugan ng granada ang bahay ni Lambayong, Sultan Kudarat Mayor Ramon Abalos, Sabado ng umaga

Isinugod sa pagamutan ang kapatid ng alkalde na si Municipal Councilor Carlos Abalos, at pinsan nilang si Richard Abalos. Kapwa nagtamo ng minor injuries sa katawan ang mga biktima.

Ayon sa alkalde, nagkakape silang tatlo sa garahe nang biglang may naghagis ng granada. Tumayo umano ang kapatid at pinsan niya kaya sila ang tinamaan nang sumabog na ang granada.

Tumama ang mga shrapnel sa katabi niyang motorsiklo. Tinamaan din ang tatlong sasakyang nakaparada, at ang pader nila.

Ilang segundo lang ang pagitan, isang granada din ang sumabog sa harap ng Lambayong Police Station. 

Papunta na sana ang mga pulis sa bahay ng alkalde para mag-imbestiga kaya napilitan muna silang depensahan ang istasyon pulis.

Isang tao ang nahuli nila pero tumanggi pa ang mga pulis na makausap siya ng media. 

Giit naman ng ina ng suspek, inosente ang anak na nasa trabaho sa plantasyon ng saging nang maganap ang pagsabog.

Ayon sa Provincial Director ng Sultan Kudarat Police Provincial Office na si Senior Superintendent James Gulmatici, may tatlo pang suspek sa insidente. Dalawa umano ang naghagis ng granada sa bahay ng alkalde, at dalawa rin ang naghagis sa harap ng police station. 

May hawak na silang CCTV footage ng pagtapon ng granada sa bahay ng alkalde pero tumanggi pa silang isapubliko ito habang nag-iimbestiga pa.

Ayon kay Abalos, isang buwan na siyang nakatatanggap ng banta sa buhay. Naniniwala siyang siya ang puntirya sa pagsabog. May banta ring aatakehin ang munisipyo at police station. Posibleng ganti raw ito ng mga grupong sangkot sa ilegal na droga dahil sunod-sunod ang anti-illegal drug operation sa kaniyang bayan.

Nanatiling nasa heightened alert level 3 ang seguridad sa lalawigan. Nagdagdag na rin ng seguridad sa bahay ng alkalde at magdadagdag na rin siya ng police escort dahil sa banta sa kaniyang buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.