Sanggol patay nang lunurin ng ina sa timba sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 12:09 PM

CEBU CITY - Patay ang isang 11-buwang gulang na sanggol matapos umano lunurin ng ina sa timba ng tubig sa isang dormitory dito sa lungsod Biyernes ng gabi.

Kuwento ng lolo ng sanggol, iniwan niya ang mag-ina sa inuupahan nilang kuwarto para bumili ng tubig.

Pagbalik niya pasado alas-6 ng gabi, natagpuan na lang niya ang babaeng sanggol na wala nang malay habang nakababad sa timba na puno ng tubig sa loob ng banyo.

Isinugod niya ang sanggol sa ospital pero binawian din ito ng buhay. Ipinagbigay-alam niya sa mga awtoridad ang insidente kung saan hinuli ng mga pulis ang 31-anyos na ina ng sanggol.

Ayon sa lolo, galing silang Lanao del Norte at pumunta sa Cebu para umano magpagamot sa isang albularyo dahil sa pabalik-balik na lagnat at ubo ng sanggol.

Ayon naman kay Police Staff Sgt. Andrew Denila ng Waterfront Police Station, nakitaan na ng kakaibang kilos at pananalita ang suspek bago ang insidente.

"Ayon pa sa lolo, nang pumasok siya sa kuwarto para hanapin ang apo, ang tanging sabi ng ina ay hindi niya kilala ang bata sa loob ng CR," aniya.

Ipinagamot na rin noon ang suspek matapos umanong makaranas ng depresyon, dagdag ng lolo ng sanggol.

Nakakulong ang ina sa Watefront Police Station at isasailalim sa pagsusuri upang malaman ang posibleng kondisyong dinadanas nito.

Sasampahan ng mga pulis ng kasong parricide ang suspek.

—Ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.