Lalaking labas-pasok sa kulungan, timbog uli nang mahulihan ng droga sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 04:58 PM | Updated as of Jul 27 2019 05:13 PM

Balik-kulungan ang isang lalaki matapos makuhanan ng droga sa isang buy-bust operation sa Quezon City nitong Biyernes.

Sa police report ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office, kinilala ang suspek na si Bryan Dudley, na inaresto sa Florentino St. corner Iba St., Barangay Santa Teresita, Quezon City.

Aabot sa 50 gramong hinihinalang shabu na may halagang P340,000 ang kinompiska sa nasabing operasyon.

Ito na ang ika-3 beses na inaresto ang suspek, ayon sa mga awtoridad.

Unang inaresto si Dudley sa Pasay ngunit pinakawalan din matapos siyang ma-acquit.

Muling siyang inaresto sa umano'y drug trafficking noong Hulyo 2018 pero pinakawalan din. Matapos ang ilang araw, inaresto sa buy-bust si Dudley.

Nagpapatuloy pa umano ang operasyon ng suspek kaya nagkasa muli ng buy-bust ang pulisya.

Hinahanda na ng NCRPO ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.