Ginang 2 taon hinintay ang PhilHealth refund sa ospital

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 04:23 PM | Updated as of Jul 27 2019 07:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isang misis sa Batangas ang sumama ang loob sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos akalaing ang ahensiya ang may sala sa naantala niyang refund sa isang pagamutan. 

Kuwento ni Liza Lipa, Hunyo 2017 nang maospital siya sa Mahal Na Virgen Maria Sto. Rosario District Hospital kung saan umabot sa P60,000 ang bill niya. Sabi sa kaniya, iri-refund na lang sa mga susunod na buwan ang benepisyo niya sa PhilHealth na hindi naikaltas sa bill.

"Akala naman namin nung December 2017 na 'yun maki-claim na namin ang aking benefits. Pagdating namin, ipa-file pa lang pala."

Lumipas ang 2 taon pero hanggang nitong buwan ay hindi pa rin naibibigay ang refund ni Lipa. 

Nang tanungin ng Tapat Na Po ang PhilHealth, nagbayad na daw sila sa ospital noong Oktubre 2017 pa lang.

"Mabilis ang bayad namin so hindi tama na sinasabi sa patient na hindi pa nagbabayad ang PhilHealth. Nagbayad kami kaagad," ani Dr. Shirley Domingo, spokesperson ng PhilHealth. 

Natuklasan na ang ospital pala ang may sala. Sa sobrang dami daw ng inaasikaso ng kanilang accounting office ay natagalan ang pagproseso ng refund. 
    
Nitong Hulyo 25 o lagpas 2 taon pagkatapos maospital, naibigay na ang refund ni Lipa.

Pero sa tagal bago nakuha ang refund, nadismaya si Lipa at tumigil na ng hulog sa PhilHealth. 

"Bakit pa ako maghuhulog? Hanggang ngayon di ko naman nakita na ganun sila ka-active lalo na kung sa public hospital ka... Ang benepisyo ko naging perwisyo na," ani Lipa. 

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng "Tapat Na Po." 

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.