Lalaking nagkalat ng hubad na larawan ng ka-chat, timbog

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 09:22 PM | Updated as of Jul 29 2019 05:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula sa online games ngunit humantong sa pagkakakulong.

Ganito ang naging istorya sa pagitan ng biktimang si alyas "Maria" at lalaking nakilala niya online na si Jeffrey Dizon.

Huwebes nang mahuli sa ikinasang entrapment operation ng Special Operations Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Dizon.

Inireklamo siya nina Maria at mister nitong si alyas "Eric" dahil sa pagpapakalat sa social media ng mga hubad na larawan at video ng biktima. 

Ang masaklap pa, ang mga maseselang retrato at video ni Maria ay in-upload ng suspek sa mismong Facebook account ng anak ng mag-asawa.

Kuwento ni Maria, nakilala niya sa online game si Dizon noong isang taon.

Nag-umpisa silang mag-chat sa laro hanggang nadala na siya sa mga matatamis na salita ni Dizon at doon na sila nagkaroon ng relasyon online. 

Nakumbinsi rin siya ng suspek na magpadala ng mga hubad na video at larawan.

"Nagkabiruan hanggang sa pumasok ako sa clan nila...hanggang sa na-develop. Naging mag-on kami behind his (Eric) back," paliwanag ng babae. 

Kalaunan ay pinipilit na ni Dizon na hiwalayan ni Maria si Eric.

Nang putulin na ni Maria ang relasyon, do'n na ikinalat ng suspek ang mga maseselang video ng biktima. 

PAGHAHARAP

Nitong Biyernes matapos ang entrapment, ibinuhos ni Eric ang kaniyang galit nang makaraharap ang suspek.

Doon na nadiskubreng pamilyado rin pala si Dizon na may dalawang anak.

Sa kabila naman ng nangyari, napatawad na ni Eric ang kaniyang misis.

Lalo ring tumibay ang kanilang pagsasama dahil sa pagsubok.

"May kasalanan din po ako kasi parang hindi ko na siya nabibigyan ng oras. Siguro po 'yun ang babaguhin ko. At magsisimula kami ng bagong buhay," giit ni Eric. 

Kinasuhan na ng kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act ang suspek.

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.