ALAMIN: Opisyal na tumanggap, nanghingi ng 'regalo', puwedeng kasuhan?

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 10:24 PM

Muling may hinaharap na isyu ng "anomalya" si Department of Labor and Employment (DOLE) secretary Silvestre Bello III.

Sa pinakabagong alegasyon, tumanggap umano siya ng pera at mamahaling regalo mula sa recruitment agency na nagnanais mag-renew ng lisensya.

Ayon sa may-ari ng agency na si Amanda Araneta, nagbigay siya ng mga regalo kay Bello, at nanghihingi pa raw ang kalihim ng P10 milyon para i-renew ang kaniyang lisensiya.

Kapag napatunayan, may kaso nga bang puwedeng isampa laban sa kalihim?

Ayon sa isang abogado, bukod sa graft ay maaari daw lumabag si Bello sa Revised Penal Code at RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Nakasaad dito na bawal tumanggap at magbigay ng regalo ang sinumang opisyal ng gobyerno.

Hango ito sa Presidential Decree No. 46 na pinirmahan ni Ferdinand Marcos noong 1972.

"Iyong nagsabing tumanggap ng regalo, hindi inosenteng aksyon. 'Yan ay isang krimen," paliwanag ni Atty. Noel Del Prado sa "Usapang De Campanilla" ng DZMM noong Huwebes. 

May tatlong klase ng panunuhol, ayon sa Revised Penal Code: direct, indirect, at qualified bribery. 

Sa direct bribery, direktang tinatanggap ng opisyal ang regalo, habang sa indirect bribery, ibinibigay ang regalo sa pag-asang maiimpluwensiyahan nito ang opisyal. 

Sa qualified bribery naman, nanghihingi ng suhol ang opisyal. 

Ayon kay Del Prado, mas mabigat ang parusa sa qualified bribery. 

"Pag humingi ka ng suhol, qualified bribery iyan. Di ka makakapiyansa. Dahil walang death penalty, reclusion perpetua 'yan. Mabigat 'yan," ayon kay Del Prado. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.