1,000 trabaho naghihintay sa healthcare job fair

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 09:45 PM | Updated as of Jul 29 2019 05:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mahigit na isang libong job vacancy ang naghihintay para sa mga Pinoy na lisensiyadong nurse sa ikalawang Healthcare Event Philippines job fair na gaganapin mula Hulyo 28-29 sa Pasay City. 

Nasa 30 ang lahat ng kalahok na employers mula sa iba't ibang bansa na naghahanap ng mga healthcare professionals, kasama ang mga nurse. 

Ayon sa Healthcare Event Philippines, 1,500 ang bakanteng healthcare jobs sa iba't ibang bansa tulad ng Saudi Arabia (553 vacancies), United Arab Emirates (268 vacancies), Germany (265 vacancies), United Kingdom (256 vacancies), Egypt (108 vacancies), at iba pang bansa. 

"Mataas ang demand para sa mga Pinoy. They love the service of our nurses," ayon kay Christine Francisco ng Healthcare Event Philippines.

Dagdag ni Francisco, aprubado ng Public Employment Service Office (PESO), Department of Labor and Employment (DOLE), at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga employer na lalahok sa job fair. 

Aabot naman sa 1,900 UK pounds o P130,000 ang starting salary sa United Kingdom. 

Paliwanag ng direktor ng Resource Finder recruitment company na si Robert Fuller, may "aging population" sa UK kaya marami ang kinukuha nilang nurse. 

May mga seminar din sa job fair para gabayan ang mga aplikante.

"We will guide them through the process," ani Fuller. 

Payo nila, maghanda na rin sa mahabang proseso ng pag-a-apply dahil sa higpit ng screening, inaabot ng anim na buwan o higit pa ang application. 

Dati nang nagsagawa ng Healthcare Event Philippines noong 2016, na dinagsa ng higit sa isang libong katao.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.