'Mala-Ondoy na baha, asahan dahil sa basurang bara sa estero'

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 07:43 PM | Updated as of Jul 27 2017 10:56 PM

Kahit araw-araw ang isinasagawang clearing operations ng MMDA sa mga estero, pabalik-balik pa rin ang basura.

Hindi na natutuwa ang Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil sila ang sinisisi kapag nagbabaha at maraming basura tulad nitong Huwebes, Hulyo 27.

Ayon sa MMDA, trak-trak ng basura ang nakukuha nila sa pumping stations kada araw. Pero makalipas lang daw ang dalawang araw, sangkaterbang basura na naman ang mapapadpad sa pumping stations.

Hindi naman daw sa nananakot, pero nagbabala ang MMDA na kung hindi mareresolba ang problema sa basura, maaaring maulit ang delubyong naranasan sa Kamaynilaan sa bagyong Ondoy noong 2009.

Ayon sa MMDA, nang bahain ang ilang lugar sa Malabon, Quezon City, Manila, at Taguig nitong Huwebes, gumana naman ang 54 pumping stations ng MMDA.

Kaso, hindi 100% gumana ang pumping stations para masipsip sana ang naipong baha dahil na rin sa basurang bumara.

Sa halip tuloy na awtomatikong masipsip at humupa agad ang baha, inabot pa ng kalahating oras bago bumaba ang tubig.

Karaniwang galing ang basura mula sa mga itinatapon ng mga nakatira sa mga gilid ng estero at iba pang daluyan ng tubig.

Pasaway sa basura ang mga lugar malapit sa Tripa De Gallina pumping station sa Libertad, kung saan nagbabara ang mga dumi galing sa Pasay, Makati, at Parañaque.

Sinasalo naman ng Vitas pumping station ang basura sa buong Tondo, Maynila. 

May pagkukulang din daw ang mga awtoridad na nakakasakop sa mga nasabing lugar at dapat na sumisita sa mga pasaway na 'tapon doon, tapon diyan'.-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.