Granada, nakita sa ilalim ng puno sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 11:39 PM

CURRIMAO, ILOCOS NORTE – Isang granada ang natagpuan sa ilalim ng isang puno ng acacia sa Barangay Torre sa Currimao, Ilocos Norte Martes ng hapon. 

Ayon sa hepe ng Currimao Police Station na si Chief Inspector Marlon Padamada, unang nakita ang MK2 o "pineapple" fragmentation hand grenade ng isang construction worker at agad naman itong sinabi sa kanilang project manager.

“Batay sa nakakita, nagpapahinga sila at nag-break sila sa ilalim ng isang punong kahoy at nang bigla na lamang nitong nakita ang isang granada. Nagulat ito at inireport sa kanilang project manager na nag-report naman sa aming station," ani Padamada.

Agad namang itinawag ng pulisya ang pagkakadiskubre ng granada sa Special Weapons and Tactics Team (SWAT) at Explosive Ordnance Division (EOD) ng Ilocos Norte Police Provincial Office.

Sa inisyal na pagsusuri ng EOD, wala pang isang linggo na sa ilalim ng puno ang granada. Bago pa raw kasi ang rubber band na nakapulupot sa safety lever ng granada.

Naniniwala naman ang pulisya na maaring itinapon o itinago ang granada ng mga taong iligal na humahawak ng mga armas para makaiwas sa pagkaka-aresto.

"Siguro ‘yung may hawak ng granadang ‘yun ay nag-alangan kaya itinapon na lamang doon sa grassy area," ani Padamada.

Mensahe naman ni Padamada ang sinuman na may hawak na baril, granada, at anumang klaseng armas na hindi lisensiyado, mas mainam kung ipa-deposito na lang daw ito sa istasyon ng pulisya para maka-iwas sa disgrasya.

Paalala rin ng mga awtoridad na huwag gagalawin o hahawakan kung makakita ng anumang klaseng pampasabog. Agad na lang itong i-report sa pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.