Sundalo napatay sa operasyon kontra BIFF sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 10:43 PM

Nasawi si Sgt. Ahmad Layos Mahmood sa palitan ng putok sa pagitan ng militar at BIFF sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao nitong Hulyo 25.

MAGUINDANAO - Patay ang isang sundalo matapos ang operasyon ng militar kontra sa rebeldeng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters(BIFF) nitong Huwebes sa Maguindanao.

Ayon sa Philippine Army 6th Infantry Division, namatay si Sgt. Ahmad Layos Mahmood sa palitan ng putok sa pagitan ng militar at BIFF sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha.

Dahil sa nangyayaring operasyon kontra BIFF, abot sa 236 na pamilya umano ang lumikas sa bayan at marami sa kanila ang naglatag na lang ng mahihigaan sa gilid ng kalsada ng mga kalapit na bayan.

Ang iba ay nakituloy sa kamag-anak.

Ani mag-asawang Allan at Geraldine Utto, "ang putok parang nasa likod lang."

Mula sa 16 na barangay ng Shariff Saydona Mustapha, apat dito ang apektado ng operasyon ng militar.

"Expected natin dadami pa kasi ongoing pa ang operations," ani Gino Ballesteros, opisyal ng municipal disaster risk reduction and management office ng bayan.

Patuloy pa ang monitoring at validation ng Maguindanao provincial disaster risk reduction and management para malaman ang kabuuang bilang ng mga lumikas dahil sa nagpapatuloy na operasyon ng militar. - Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.